Natupok ang buong pro-duction building ng Sterling Tobacco Corporation na nasa no.305-307 J. Rizal corner Castañeda St., Bgy. Namaya na pag-aari ni Futura Sampura.
Sa ulat ng Mandaluyong Fire Department nagsimula ang sunog dakong ala-1:18 ng madaling araw matapos mapansin ng security guard na umuusok ang isang bahagi ng production area ng mga pinatuyong dahon ng tabako na ginagawang sigarilyo.
Mabilis lumaki at kumalat ang apoy sa buong lugar kaya agad tumawag ang security ng bumbero.
Agad namang rumesponde ang mga miyembro ng pamatay sunog na nahirapang apulain ang apoy dahil hindi nila mabuksan ang pinto ng pabrika at mapasingaw ang apoy.
Inilagay lamang sa under control ang sunog dakong alas 3:45 ng madaling araw ngunit hindi pa tuluyang naapula.
Natupok sa loob ng pabrika ang mga makina sa paggawa ng sigarilyo at hindi naman nadamay ang gusali ng administration, warehouse at processing department.
Nabatid na ilang beses nang inirereklamo sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at sa Laguna Lake Development Authority (LLDA) ng mga residente ang nasabing kompanya dahil sa pagpapalabas nito ng maitim na usok na nakakaapekto sa kanilang kalusugan.(Ulat ni Danilo Garcia)