Kasabay nito, inihayag ni PNP-CIDG Nestorio Gualberto ang pagkakaaresto sa recruiter ng mga biktima na kinilalang si Moreta Brigoli na gumamit ng alyas na Belen Francisco, 58, tubong Calbayog City sa lalawigan ng Samar at Adriano Adarayan.
Hindi mapigilan ng mga biktimang itinago sa pangalang Rosalie, Geana, Analyn at Janet na sampalin si Francisco sa ginanap na press briefing sa Camp Crame, kahapon.
Nabatid naman kay P/ Supt. Agripino Javier na siyang namuno sa raiding team na ang rescue operation ay kanilang isinagawa batay sa report ng programang "Mission X" ng Channel 2 na kung saan nagreklamo ang kamag-anak ng biktimang si Janet kay Joel Aloran sa pamamagitan ng tawag sa telepono na umanoy kinakandado sila sa nasabing casa at ibinebenta sa mga kostumer na Intsik.
Matapos na matanggap ang impormasyon ay agad nagsagawa ng pagsalakay ang nasabing ahensiya ng kapulisan sa nasabing casa.
Kaugnay nito inirekomenda ni Manila Inquest Prosecutor Glenda Mendoza Ramos ang piyansang P180,000 sa paglabag sa RA 7610 o child abuse at P24,000 naman sa kasong white slavery.
Samantala kasalukuyan pang tinutugis ang iba pang nakatakas na suspek na kinilalang sina Nancy at Evelyn na kamag-anak ni Francisco. (Ulat ni Joy Cantos)