Sa nasabing holdapan ay isang security guard na nakilalang si Arnold Alejo ang nasugatan sa maikling pakikipagpalitan ng putok sa mga holdaper.
Sa ginanap na pulong balitaan sa Camp Crame, iprinisinta ng mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa mga mamamahayag ang suspek na si PO3 Robert Provido, 35 tubong Villa, Iloilo City, residente ng Purok 6, B-91 Upper Bicutan,Taguig at nakatalaga sa Taguig Police Station at kasalukuyang sumasailalim sa schooling sa Camp Bagong Diwa.
Si Provido ay nasakote ng mga operatiba ng Southern Police District sa isinagawang operasyon sa tahanan nito at positibong itinuro ng isa sa mga security guard ng banko na si Romulo Gayoso, 37, na inagawan ng armas ng holdapin ng anim na armadong kalalakihan ang banko na matatagpuan sa South Super Highway, Bangkal, Makati City.
Napag-alaman na nabigo ang grupo ni Provido na mabuksan ang vault ng banko kayat mahigit na P100,000 lamang na hawak ng isa sa mga teller ang natangay.
Napag-alaman din ng pulisya na si Provido ay may nakabinbing kasong robbery in band sa korte at pansamantala itong nakakalaya matapos makapag-piyansa.
Patuloy ang hot pursuit operation ng mga awtoridad sa lima pang kasamahan ni Provido na pawang mga kilala na. (Ulat ni Joy Cantos)