Ang suspek na si Rolando Villorente, 38, walang hanapbuhay at residente ng Juan Luna St., Tondo, Manila ay mabilis na tumakas makaraang malaman nito na isang paglabag sa batas ang kanyang ginawa.
Sa pagsisiyasat ng WPD-Homicide Unit na ang bangkay ng sanggol ay natagpuan ng mga residente ng Baseco Compound, dakong alas-7:30 ng umaga na lutang-lutang sa naturang ilog na nakabalot ng lampin at kulay berdeng damit.
Ayon sa mga saksi nakita nilang karga ito ng suspek ilang minuto bago ito ay natagpuan sa ilog.
Napag-alaman sa pulisya na ang sanggol na pinangalang Baby Boy Pioquinto ay isinilang sa Gat Andres Bonifacio Medical Center kamakalawa ng ala-1:30 ng hapon na magbibigay sana ng kaligayahan sa mga magulang subalit ito ay agad namatay.
Inutusan ng mga namumuno sa pagamutan ang suspek na magtungo sa Manila City Hall para ayusin ang pagpapalibing sa anak nito.
Subalit dahil nabigo itong makabayad ng halagang P 250 na pampapalibing ay naisipan na lamang nito na ipaanod na lamang sa ilog ang bangkay ng anak.
Kasalukuyang inaalam ng pulisya ang kinaroroonan ng ina ng sanggol na maaaring hindi pa nito alam ang ginawa ng kanyang mister sa kanilang anak. (Ulat ni Ellen Fernando)