Base sa pagtatapat ni Jerro Garcia, sumukong suspect na may pinakamaliit na partisipasyon sa krimen, kinumpirma nito na bukod sa nadakip na si Onofre Surat Jr. na sinasabing utak sa naganap na krimen ay isa pa umanong kagawad ng PNP-CIDG ang nagbigay sa kanila ng instruksyon sa kanilang isinagawang pagdukot at pagpaslang sa batang Bacalla noong nakalipas na Mayo 3 sa Novaliches, Quezon City.
Hindi muna tinukoy ang pangalan ng nasabing pulis dahil sa pangyayaring noon lamang niya nakita ang pulis ng araw na isasagawa nila ang krimen at maliban sa narinig lang niya sa kanyang mga kasamahan na ito ay miyembro ng CIDG. Si Surat umano ang higit na nakakaalam at nakakakilala dito.
Si Garcia ay lumantad sa NBI matapos malamang magkakasabay na inaresto sina Surat Jr., ang asawa nitong si Edna at isa pang kasamahang si Rodrigo Catungal sa isinagawang pagsalakay sa kanilang hideout sa Pasig City.
Magugunita na noong Mayo 2 matapos na imbitahin ni Surat sa kanyang kaarawan si Bacalla ay doon naganap ang karumal-dumal na krimen. Sa kabila na napatay na ng grupo ang biktima ay nakuha pa ng mga ito na humingi ng P400,000 ransom sa pamilya nito. (Ulat ni Joy Cantos)