Sa 24-pahinang desisyon ni QCRTC Judge Thelma Ponferrada ng Branch 104, ang kawalan ng basehan sa kasong libelo na isinampa ni Cesar Escosa ng Abelo Bldg., Diliman, Quezon City laban kay de Castro ang dahilan ng pagpapawalang-sala sa huli.
Dinismis naman ni Judge Ponferrada ang kahalintulad na isinampang kaso ni Escosa laban naman sa komentaristang si Lito Villarosa dahil matagal na itong namatay.
Sa reklamo ni Escosa, lubhang nakasira sa kanyang pagkatao ang pinagsasabi nina de Castro at Villarosa sa radyo at TV laban sa kanya magmula Hunyo 18 hanggang ika-30 ng nasabing buwan, taong 1989.
Sinabi umano nina de Castro at Villarosa sa kani-kanilang mga programa sa DZmm-Channel 2 na si Escosa ay manloloko at nangungolekta ng kaukulang halaga sa mga aplikante ng kanyang kompanya.
Sinabi naman ni de Castro na matagal na at alam niyang mapapawalang-sala siya sa kaso dahil walang sapat na basehan na nagdidiin sa kanya sa kaso.
"Siguro, nabulilyaso ang pangungolekta ni Escosa sa mga aplikante kaya nagsampa ng kaso laban sa akin pero tapos na ito ngayon," pahayag ni de Castro.
Naniniwala din si de Castro na "mayroong due process kaya’t nagkaroon ng katagalan bago maipalabas ng korte ang desisyon nito matapos ang maraming taon," dagdag pa nito. (Ulat ni Angie dela Cruz)