Lacson naghain ng petisyon sa korte

Nagtungo kahapon ng umaga si dating PNP chief at Senator-elect Panfilo "Ping" Lacson sa Manila Regional Trial Court upang maghain ng petisyon for prohibition para sa pagpapanatili ng Temporary Restraining Order (TRO) sa kasong kidnapping na isinampa laban sa kanya.

Kasama ang abogadong si Atty. Siegfred Fortun, hiniling ni Lacson sa tanggapan ni Judge Hermogenes Liwat ng MRTC Branch 55 na ipawalang-saysay ang kasong kidnapping na dinidinig dito dahil anya sa ito ay hawak na ng Department of Justice (DOJ).

Iginiit ni Lacson na hindi na dapat dinggin ang kaso ng MRTC dahil mas makabubuti kung pagbabatayan na lamang ang gagawing pagdinig sa tanggapan ni Justice Sec. Hernani Perez.

Nilinaw pa ni Lacson na ang tanging dapat gawin ng MRTC ay bigyan ng karapatan ang kanilang hinihiling upang maging patas ang gagawing pagdinig sa kasong isinampa laban sa kanya.

Ang kasong kidnapping ay nauna nang isinampa ni Marie Ong o Rose Buds sa tanggapan ng DOJ bunsod ng akusasyong si Lacson ang utak sa malawakang pagdukot sa mga dayuhang Intsik sa bansa noong ito ay kasalukuyang pinuno pa ng binuwag na Presidential Anti-Organized Crime Task Force. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments