Erwin Tulfo nabiktima ng hit-and-run

Isang sikat na broadcast journalist ng ABS-CBN Channel 2 ang nasugatan makaraang bundulin ang sinasakyan nitong motorsiklo ng hinihinalang nasagasaan nito sa pamamahayag kahapon ng madaling-araw sa Scout Tuazon St., Quezon City.

Kasalukuyang ginagamot sa Capitol Medical Center ang biktimang si Erwin Tulfo, 37, may asawa, ng 168 Sct. Fuentebella St., nasabing lungsod.

Ayon sa ulat ni Insp. Conrado Senen, CPD-Traffic Sector 4 Chief, bandang alas-12:20 ng madaling-araw habang lulan ng kanyang Yamaha 400 si Tulfo galing sa Mother Ignaca St. patungo sa direksyon ng Timog nang bigla siyang banggain ng isang rumaragasang Toyota Corolla na kulay metallic gray.

Tumilapon mula sa kanyang motorsiklo ang broadcast journalist habang mabilis na tumakas naman ang nasabing kotse na hindi naman nakuha ang plate number patungo sa direksyon ng Tomas Morato Ave.

Isinugod si Tulfo sa Capitol Medical Center kung saan ay ginagamot ito sanhi ng tinamong mga sugat sa ulo, braso at katawan dahil nakalimutan nitong magsuot ng crash helmet.

Malaki ang palagay ng broadcaster na hindi aksidente ang pangyayari kundi sinadya siyang patayin ng kanyang mga nasagasaan sa larangan ng malayang pamamahayag.

Kagagaling lamang ni Tulfo sa taping ng kanyang programang Mission X sa ABS-CBN sa Mother Ignacia at pauwi na sana ito sa kanilang bahay nang maganap ang insidente.

Nanawagan naman ang broadcaster na sinumang nakasaksi sa pangyayari na makipagtulungan sa pulisya upang matukoy kung sino ang nagmamaneho ng nasabing kotse na nagtangkang pumatay sa kanya. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments