Nakilala ang nasawing biktima na si Roberto Barredo, residente ng Mais St., Tumana, Brgy. Concepcion, Marikina City. Nagtamo ito ng dalawang tama ng bala sa kanyang katawan sanhi ng kanyang agarang kamatayan.
Nakilala naman ang mga kasamahan niyang naaresto na sina Robert Cariño, 30; Michael Garcia, 27; Jojo Muza, pawang mga residente ng Mais St., Tumana, Brgy. Concepcion; Cezar Dumundum Jr., 40, ng Singkamas St., Tumana at August Dayrit, 20, ng Sunflower St., Brgy. Modesta, San Mateo, Rizal.
Sa ulat ng pulisya, nabatid na naganap ang insidente dakong alas-9:45 ng gabi sa may Brgy. Barangka.
Ayon sa pasaherong si Jennalyn Rustia, 27, ng Tayuman, Binangonan, Rizal, magkakasabay na sumakay umano ang anim na mga holdaper sa terminal ng jeep na may biyaheng Cubao-Binangonan sa may Araneta Center sa Cubao, apat dito ang sumabit sa likod ng jeep.
Nabang nasa Marcos Highway sa Brgy. Barangka, isa sa mga suspek ang pumara kaya inihinto ito ng hindi nakilalang driver. Dito na sinugod ng isa sa mga nakasabit ang driver at tinutukan ng kalibre .38 bago nagpahayag ng holdap.
Isa-isang nilimas umano ng mga suspek ang mga cellphone, alahas, pitaka at mga bag ng mga pasahero ng jeep. Hindi naman nawalan ng loob ang driver nito at walang humpay na nagbusina sanhi upang maalerto ang mga nakaposteng pulis sa naturang lugar na hotspot ng mga snatcher.
Nagkaroon ng habulan sa pagitan ng rumespondeng pulis sa pamumuno ni C/Insp. Ricardo Sto. Domingo, hepe ng Criminal Investigation Division at ng mga suspek na nagkani-kanyang takbo sa malapit na squatters’ area sa may UBB, Brgy. Barangka.
Nakipagpalitan naman ng putok si Barredo sa mga pulis na nakapatay sa kanya nang gumanti ang mga ito habang bugbog-sarado ang suspek na sina Garcia at Dayrit na pawang armado lamang ng mga patalim matapos na makorner ng mga barangay tanod at taumbayan at nahuli naman ang kanilang tatlo pang kasamahan sa isang follow-up operations. (Ulat ni Danilo Garcia)