P5,000 pabuya sa makapagtuturo sa mga fixers sa BI

Ikinatuwa kahapon ng Department of Justice (DOJ) ang ipinalabas na kautusan ng Bureau of Immigration (BI) na ipahuli ang mga bigtime fixers dito, kasunod ng pagbibigay ng pabuya sa sinumang makakapagturo sa naturang sindikato.

Sa ipinalabas na kautusan ni BI Commissioner Andrea Domingo, sinabi nito na handang magpalabas ng pabuyang P5,000 ang kanyang tanggapan upang mahuli ang mga fixers na nagsasagawa ng illegal na operasyon sa BI.

Nabatid na labis na nairita ang Commissioner makaraang malaman na milyun-milyong halaga ang di pumapasok sa pamahalaan at sa mga fixers na lamang napupunta.

Binanggit pa rin sa ulat ni Domingo kay Justice Sec. Hernani Perez na magkakaroon din ng promotion ang mga kawani ng BI na magtuturo sa sino mang empleyado o opisyal dito na sangkot din sa illegal na gawain.

Paiimbestigahan din ni Domingo kung mayroong basehan ang mga napapabalitang may mga fixers na umuokopa sa ilang dibisyon ng BI at ilang empleyado ang kanilang kasabwat. (Ulat ni Grace Amargo)

Show comments