Ayon kay Fely J. Angeles, Director IV ng Electoral Contests Adjudication Department ng Comelec, kailangang sagutin ni Atienza ang protesta at hindi maaaring ipadismis na lamang ito.
Idinagdag pang kailangang magbayad ng mga legal fees batay sa Comelec Rules of Procedure kung may kalakip na counter-protest ang ipadadalang sagot.
Matatandaang nagsampa ng protesta si Lim laban kay Atienza kasabay ng paghiling sa Comelec na ipawalang-bisa ang ginawang proklamasyon at muling bilangin ang mga balota.
Hiniling ng mga abogado ni Lim na sina Renato dela Cruz, Judith Fabros at Rafaelito Garayblas ang agarang pagpapalabas ng resolusyon na nag-aatras na dalhin ang mga ballot boxes na naglalaman ng mga balota at mga susi nito, listahan ng mga botante pati na rin ng voting records, book of voters at iba pang dokumento na ginamit sa eleksyon sa Comelec at ang pagproklama sa kanya bilang tunay na halal na alkalde ng Maynila. Hiling din ni Lim na si Atienza ay pagbayarin ng P5 milyon bilang moral damages at P1 milyon bilang attorney’s fees.
Noong Mayo 23 ay iprinoklama umano ng Manila Board of Canvassers si Atienza bilang halal na alkalde batay sa mga "questionable election returns and its illegal proceedings" at sa kabila ng nakabimbin na apela ni Lim laban dito.
Ayon kay Lim, ang halalan sa anim na distrito ng Maynila ay markado ng ‘massive fraud’, iregularidad at pandaraya, kung kaya’t ang umano ay resulta ng halalan na ibinatay sa election returns na karamihan ay pineke o dinoktor upang palitawin na mas maraming boto ang nakuha ni Atienza at hindi sumasalamin sa tunay na kagustuhan ng mamamayang botante. (Ulat ni Andi Garcia)