Ginagamot sa Olivarez General Hospital ang mga biktima na nakilalang sina Roy Mark Agular, 26; Jhonner Ortiz, 20 at isa pang hindi nakikilalang biktima. Ang mga nabanggit ay pawang guwardiya ng Eagle Eye Security Agency at nagtamo ng tama sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan buhat sa hindi pa malamang kalibre ng baril.
Samantala, ang mga suspect na pawang mga guwardiya din ay agad na dinakip ng mga awtoridad ay buhat naman sa Mustang Security Agency.
Base sa ulat na tinanggap ni Supt. Ronald Estilles, hepe ng Parañaque City Police na naganap ang insidente dakong alas-2 ng hapon, habang binabantayan ng mga biktima ang lote na pag-aari umano ng Hermogenes Rodriguez State na matatagpuan sa Palico Site, Sitio Caboboy, Bgy. San Dionisio, ng nabanggit na lungsod.
Bigla na lamang umanong sumalakay ang mga suspect dahil sa ang lupa naman na binabantayan ng mga biktima ay pag-aari ng Adelfa Properties, AZALEA and Britanny Corporation na kanilang kliyente.
Ipinagtanggol naman ito ng grupo ng mga biktima hanggang sa umalingawngaw ang putok ng baril na ikinatama ng tatlong biktima.
Mabilis namang rumesponde ang mga awtoridad at nadakip ang mga sumalakay na suspect.
Nabatid na ang nasabing lote ay pinag-aagawan ng dalawang nabanggit na developer. (Ulat ni Lordeth Bonilla)