Kinilala ng pulisya ang tatlong suspect na sina Ariel Santos, 28, alyas Sugar; Reuben de Guzman, alyas Candy at Luisito Vergara, alyas Cindy, pawang naka-check in sa Longwood Hotel sa F. B Harrison sa Pasay City.
Ayon sa ulat ng pulisya, unang inaresto ng pulisya si de Guzman dakong alas-3 ng madaling araw sa Malate, Maynila.
Dakong alas-6 naman ng umaga ay sinalakay na ng mga awtoridad ang nasabing motel na dito naka-check- in pa ang dalawang nabanggit na suspect.
Ang pagkaaresto sa mga suspect ay base na rin sa naging salaysay ng witness na nakilalang si Cristy Sual, isang matandang vendor sa Malate.
Ayon sa testigo nakita umano niyang kasama ng nasawing biktimang si Keichi Wada, 40, isang turistang Hapones, tubong Awanoya-Cho, Ashikaga City ang suspect na si de Guzman bago matagpuan ang labi ng dayuhan kamakailan.
Itinanggi naman ng mga nadakip na may kinalaman sila sa naganap na pagpaslang sa Hapones.
Magugunitang, ang bangkay ni Wada ay natagpuang lumulutang sa Manila Bay noong nakalipas na Hunyo 1. Ito ay nagtamo ng mga saksak sa katawan.
Una na ring lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na isa ring turistang Hapon na kasama sa negosyo na videoke bar sa Davao City ng biktima na si Zhoso Otani ang pinaghihinalaan sa krimen.
Bago makita ang bangkay ni Wada ay nakita pa itong kasama ni Otani.
Nabatid na malaking halaga ng pera ang posibleng dahilan ng pagpaslang sa biktima na siya ngayong iniimbestigahan ng pulisya. (Ulat ni Ellen Fernando)