"Ang kidnapping-for-ransom with homicide ay may katapat na parusang kamatayan. Inirekomenda namin na walang bail para sa pansamantalang paglaya ng mga ito," ayon kay State Prosecutor Perfecto Lawrence Chua Cheng, miyembro ng inquest team na pinamumunuan ng kanyang kasamahang si Richard Anthony Fadullon.
Ito’y matapos na isampa kahapon ng DOJ prosecutors ang kidnap-slay charges sa Quezon City Regional Trial Court laban sa mga suspects na sina Onofre Surat, 38, umano’y utak sa pagdukot at pagpaslang sa biktimang si Mark Harris Bacalla. Kinasuhan din ang dalawa pa nitong tauhan na sina Rodrigo Catungal, 22 at waiter na si Jerro Garcia, 22.
Magugunitang inamin noong nakalipas na Miyerkules ni Surat na sila ang dumukot at aksidenteng nakapatay sa batang Bacalla. Tanging intensyon nila ay hingan lamang ang magulang nito ng ransom, subalit dahil sa nanlaban ang biktima ay aksidenteng napatay ito.
Bukod dito, nahaharap din si Surat sa isa pang kaso, ito ay ang illegal possession of firearms matapos masamsaman ng 9mm pistol. (Ulat ni Delon Porcalla)