Mariing ipinag-utos ni Pasay City Mayor Wenceslao Peewee Trinidad ang agarang imbestigasyon kaugnay sa reklamo na inihain ng mga kaanak ng namatay na reporter ng Remate/Remate Tonight na si Rey Pulga, 53, laban kay Dr. Leonor Parico, na siyang nakatalagang on-duty physician noong nakaraang linggo nang isugod sa nabanggit na pagamutan si Pulga.
Napag-alaman na si Parico ang siyang umanoy responsable sa pagkamatay ni Pulga dahil sa kabagalan nitong magdesisyon at kapabayaan sa pasyente na inilagay lamang sa sulok ng emergency room gayong ang nasabing reporter ay naghihingalo na matapos na atakihin ng stroke habang nasa Pasay City cockpit arena sa Libertad Street ng nasabing lungsod.
Sinabi naman ni Minda Pulga, may-bahay ng biktima, hiniling din na mailipat kaagad sa ibang pribadong ospital ang pasyente dahil na rin sa kakulangan ng mga kagamitan dito subalit sa halip na pumayag si Parico ay iniutos nito na magbayad ng halagang P3,000 para sa CT scan at karagdagang P300 para sa ambulance fee patungong klinika sa labas ng PCGH na tapat umano ng Philippine General Hospital.
Napag-alaman na dinala si Pulga sa ospital dakong alas-10 ng gabi noong Abril 27 at hindi nalapatan ng lunas hanggang sa malagutan ito ng hininga dakong alas-3 ng madaling araw. (Ulat ni Lordeth Bonilla)