Kinilala ang biktima na si Victic Yutaka Yamada, tubong Ibaraki, Japan at empleyado ng Bayanihan Auditing Firm at pansamantalang naninirahan sa Camella Homes, Barangay Talon ng nabanggit na lungsod. Siya ay ginagamot ngayon sa Makati Medical Center sanhi ng tinamong tama ng bala ng baril sa katawan.
Nadakip at nakapiit na ngayon sa Las Piñas City Police Detention Cell ang mga suspect na nakilalang sina Junior Maltos, 26 at Arnel Quezada.
Base sa imbestigasyon ni SPO4 Ben Javier, ng CID ng Las Piñas Police, naganap ang insidente dakong alas-5 ng hapon kamakalawa sa harapan ng City Hall ng nabanggit na lungsod.
Nabatid na sakay ang biktima sa isang taksi at lingid sa kanyang kaalaman ay sinusundan siya ng dalawang suspect na lulan naman sa isang pulang motorsiklo.
Dahil sa matinding trapik nagpasyang bumaba na lamang sa taksi ang dayuhan na dito nagkaroon ng pagkakataon ang dalawang suspect at ito ay sinabayan sabay tutok ng baril.
Subalit pumalag ang Hapones kayat pinaputukan ito ng isa sa mga suspect.
Natiyempuhan naman ng mga nagpapatrulyang pulis ang insidente at mabilis na dinakip ang mga suspect.
Nabawi sa mga suspect ang nakulimbat ng mga ito sa kanilang biktima na P10,000 cash. Apat na credit card, 3 ATM cards, passport at drivers license. (Ulat ni Lordeth Bonilla)