Francis M. nagpiyansa ng P60,000

Nakalaya na ang master-rapper na si Francis Magalona at isa pang kasamahan nito makaraang maglagak ng piyansa kaugnay ng kasong illegal possession of drug paraphernalias nang mahuli ang mga ito ng mga tauhan ng pulisya sa Quezon City, kamakailan.

Naglagak ng piyansang tig- P60,000 si Magalona at kasamahan nitong si Alfredo delos Santos sa QC Prosecutor’s Office.

Magugunitang sina Magalona at delos Santos ay naaktuhan ng mga tauhan ng CPD Mobile Division na humihitit ng marijuana sa loob ng nakaparadang sasakyan ng master-rapper na isang Honda CRV sa may Hemady St., New Manila, Quezon City.

Tinangka pang takbuhan ni Magalona ang mga sumita sa kanilang pulis hanggang sa magkaroon pa ng habulan.

Napigil lamang ang naturang TV host ng ‘Eat Bulaga’ na barilin ng umaarestong pulis ang gulong ng sasakyan nito.

Tumanggi pa ring magbigay ng anumang pahayag si Magalona tungkol sa kinakaharap na kaso. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments