Ang nahatulan ng bitay ni Judge Perfecto Laguio ng MRTC Branch 18 ay nakilalang si Marites Valerio.
Hindi tinanggap ng korte ang alegasyon ni Valerio na hindi niya dinukot ang batang biktima na nakilalang si Regelen Incaso, 3 , kundi nakita lamang niya ito na nag-iisa sa kalsada kaya niya nilapitan at kinausap hanggang sa dumating na ang ama nito na nag-akusa sa kanya ng kidnapping.
Base sa ulat, si Valerio ay may rekord na ginamot sa isang rehabilitation dahil sa pagkaadik nito sa rugby at nakalaya lamang matapos ang anim na buwang gamutan. Gayunman ang pagkaadik nito ay muling bumalik at mas lumala.
Ayon sa rekord ng korte, Hunyo 15, 1998 ng iulat ni Jessica Incaso, ina ng biktima ang pagkawala ng kanyang anak habang ito ay naglalaro sa harap ng kanilang bahay sa may Road 10 ng North Harbor. Agad na nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad at ilang sandali pa ay natunton ang akusado kasama ang batang biktima.
Parusang kamatayan din ang hinatol ni Judge Laguio kay Leonardo Nuguid, na humalay sa asawa ng kanyang amo sa Sampaloc , Maynila noong nakalipas na Enero 1, 2000.
Si Nuguid, na isang dog trainer ay napatunayang nagkasala sa kasong panghahalay sa asawa ng kanyang among si Jose.
Bukod sa panghahalay, nakuha ring I-hostage ni Nuguid ang kanyang biktimang si Rowena matapos na mabuko ang kanyang ginagawang krimen.
Hindi rin pinaniwalaan ng korte ang alegasyon ng akusado na may relasyon siya ng kanyang biktima. (Ulat ni Andy Garcia)