Usisero sa away ng 2 grupo, napatay

Isang 20-anyos na binatang usyosero ang nasawi makaraang tamaan ng "home-made shotgun o sumpak" habang nanonood sa mainitang sagupaan ng magkatunggaling grupo ng kabataang lalaki sa Binondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.

Hindi na umabot pa ng buhay sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) bunga ng tama ng bala ng sumpak sa dibdib ang biktima na nakilalang si Dexter Alcobar, walang asawa, tubong Tanauan, Leyte at nakatira sa 74 San Miguel Road, Binondo, Maynila.

Ayon sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-12:35 ng madaling-araw sa nabanggit na lugar.

Ayon sa pulisya, nagsimula ang rambol ng dalawang magkatunggaling grupo ng kabataang lalaki sa Binondo Sports Complex na pawang armado ng basag na bote, mahabang tubo at sumpak.

Nang mabatid ng biktima na may nagaganap na away ay mabilis na lumabas ito ng kanilang bahay upang panoorin ang kaguluhan subalit makaraan lamang ang ilang sandali, isang malakas na putok ng armas ang biglang umalingawngaw.

Napansin na lamang ng ilang residente sa naturang lugar na biglang tumumba ang biktima sa kanyang kinatatayuan na sapu-sapo ang kanyang dumudugong dibdib. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments