Dakong ala-1:30 ng hapon nang dumating ang mga banyagang banda, kasama ang kanilang mga back-up instrumentalist at bodyguards sakay ng Phil. Airlines flight PR-502 mula sa Singapore.
Mahigpit ang naging seguridad sa loob ng premier airport, bukod sa mga mamamahayag ay hindi rin napigilan ang pagdagsa ng ilang kawani para makita ang hinahangaan nilang foreign artist.
Ngunit sa pagdating ng mga miyembro ng Westlife na bumaba mula sa co-bus na sinasakyan ng mga pasahero ay naging kapuna-puna na ang naging asal ng dalawang 6-footer na alalay ng grupo.
Pinagbawalan na agad ng mga ito na makalapit at kumuha ng larawan at maka-interview ang mga mamamahayag.
Sumiklab ang kaguluhan nang paulit-ulit na ipagtulakan at pagsisigawan ng dalawang alalay ng Westlife ang mga mamamahayag na hindi na nakatiis na gumanti hanggang sa magkaroon ng ilang minutong komosyon.
Halos magpang-abot na ang dalawang bodyguards at miyembro ng NAIA Press Corps Inc. pagdating sa Customs Area kung hindi namagitan ang ilang alalay na Pinoy ng nabanggit na grupo. (Ulat ni Butch Quejada)