Ayon kay Justice Secretary Hernando Perez, may dahilan kung bakit sa Manila Regional Trial Court isinampa ang kaso nina Dacer at Corbito.
Ipinaliwanag ni Perez na sa lungsod ng Maynila naganap ang pagdukot sa mga biktima, gayundin dito umusad ang naturang asunto kaya’t sa Maynila isinampa ang kaso.
Matatandaan na una nang kinastigo ni MRTC Judge Rodolfo Ponferrada ang ginawang pagsasampa ng DOJ sa kaso ni Dacer sa Maynila na dapat umano ay sa Cavite dinggin ang kaso. Agad nitong inutos na isampa sa Cavite Municipal Trial Court ang kaso laban sa mga dating miyembro ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force na isinasangkot sa krimen.
Samantala, sinabi naman ni Perez na ayaw nitong makipagtalo kay Ponferrada kaugnay sa nasabing usapin. Sinabi pa ng Kalihim na hihintayin na lamang niya ang magiging hakbang ng hukom sa kasong iniharap sa sala nito.
"Bahala na siya (Ponferrada) kung ididismis niya ang kaso laban sa mga suspect, saka na lamang gagawa ng aksyon ang DOJ," pahayag ni Perez. (Ulat Grace Amargo)