Sa direktiba ni Sec. Lina, binanggit nito na dapat na masiguro na walang maipapasok ang sinumang dumadalaw sa mga preso na anumang bagay na magagamit ng mga bilanggo bilang mga armas.
Nabatid na paiimbestigahan din niya ang mga jailguards at ang mga kitchen personnel ng QC jail kung paano nailusot ng mga preso ang mga pako sa loob ng kulungan.
Sinabi naman ni Supt. James Labordo, QC jail warden na posibleng nakalusot ang mga pako matapos na isama ito sa mga kahoy na panggatong na ginagamit nila sa kusina.
Magugunitang kamakalawa ng gabi ay nagkaroon ng kaguluhan sa loob ng city jail matapos na magkainitan sa larong volleyball ang grupo ng BCJ at Sigue-Sigue Sputnik, na dito anim na preso ang nasugatan.
Ayon sa ulat, nagliparan ang mga pana at iba pang matutulis na bagay sa loob ng city jail na siyang ginamit ng mga bilanggo sa pagganti sa isat-isa. (Ulat ni Rudy Andal)