Ang nagharap ng reklamo sa Quezon City Prosecutor’s Office ay ang singer na si Mystica na sa tunay na buhay ay si Ruby Rose Cassidy, 34, ng 10 J. Luna Castro St. North Susana Executive Village, Quezon City.
Samantala, ang inireklamo ay si Ronald Allan Sison, 34.
Si Sison ay inaresto kamakalawa ng mga tauhan ng PNP-CIDG sa bahay mismo ni Mystica. Nasamsam dito ang isang .9mm na baril na nakasukbit sa kanyang baywang.
Sa kanyang dalawang pahinang complaint, sinabi ni Mystica na ang insidente ay naganap sa loob mismo ng kanyang sasakyang Revo na nakaparada sa kalsada sa Pandacan matapos siyang mag-taping sa isang sitcom.
Nilapitan umano siya ni Sison at kinompronta tungkol sa lumabas na report sa pahayagan na umano’y binigyan siya (Sison) ng singer ng sasakyan.
Hindi umano pinansin ng biktima si Sison dahilan upang tuluyan siyang saktan nito. Pinutukan pa umano siya ng baril sa ulo at binantaang papatayin.
Si Mystica ay nakilala sa awitin nitong Ang Gusto Ko sa Lalaki ay Hindi Masyadong Malaki (Ang Katawan). (Cecile Suerte Felipe)