Ex-Customs examiner tiklo sa P 1.8 M kotong

Inaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang dating Customs examiner sa aktong tumatanggap ng ‘suhol’ sa isang babaeng negosyante na kanyang hiningan ng malaking halaga ng pera kapalit nang pagpapalabas ng isang malaking container van sa isinagawang entrapment operation sa North Harbor, Maynila.

Kinilala ni NBI director Reynaldo Wycoco ang suspect na si Maria Lucia Cruz, alyas Lucille Cruz- Florendo, 39, dating Customs examiner na nakatalaga sa Section 7, North Harbor at residente ng Velasquez St., Tondo.

Base sa salaysay ng biktima na si Benita Ochoa, nagtungo umano sa kanyang bahay si Cruz upang ayusin ang pagre-release ng kanyang kontrabando na naglalaman ng mga relo, damit at accessories mula sa pangangalaga ng Bureau of Customs (BoC).

Ayon pa kay Ochoa, madali umano siyang napaniwala ng suspect dahil ilang beses na rin itong pumirma sa kanya ng mga dokumento upang mailabas ang mga ini-import na produkto.

Nauna rito, noong nakalipas na Enero ay nanghingi ng halagang P1.8 milyon ang suspect na babayaran naman ng unti-unti ng biktima kada-linggong dumarating.

Ngunit matapos niyang mapunan ang halaga, wala ring nangyari at hindi rin naipalabas ang kanyang container van.

Noong Mayo 18, ay muling nagtungo ang suspect sa kanyang bahay at muling humingi ng halagang P50,000 hanggang sa mapagkasunduan ng mga ito na ibaba sa halagang P20,000.

Dahil dito, napilitang dumulog na sa NBI ang biktima at inihanda ang entrapment operation laban sa suspect. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments