Kinilala ni Chief Supt. Marcelo S. Ele, Jr., hepe ng PNP-ASG ang suspek na si Namuro Shingai, tubong Fukuoka, Japan at may hawak ng Japanese passport No. 54606694.
Ang suspek ay nakatakdang umalis patungong Japan sakay ng Philippine Airlines flight PR-426 dakong alas-9:10 ng umaga nang maaresto ng mga awtoridad.
Sa isinagawang imbestigasyon ni P/Insp. Wendelyn Barriga, duty officer ng NAIA Centennial terminal 2, habang isinasailalim sa x-ray checking ang back-pack ni Shingai sa Final Check-in sa departure area, napansin ng nakatalagang duty officer na si SPO1 Franco de Asis ang itim na imahe sa loob ng kanyang bagahe sa x-ray monitor.
Kaagad nagsagawa ng isang manual inspection ang mga pulis kung saan tumambad ang mga budol-budol na salapi na binubuo ng 300 piraso ng P1,000 bill at 100 piraso ng P500 denominasyong nakabalot sa mga lumang diyaryo na nakapaloob sa nasabing bag.
Bunsod nito, kaagad na dinala sa PNP-ASG headquarters si Shingai upang ipasailalim sa masusing imbestigasyon hinggil sa tangka nitong pagpupuslit ng malaking halaga ng piso ng walang kaukulang permiso mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas.
Ang banyagang pasahero ay nakatakdang sampahan ng kasong Economic sabotage sa Pasay City Prosecutors office, kung saan ang mga salaping nasamsam rito ay nasa pangangalaga ni Customs Supervisor Atty. Divina Tolentino para sa tamang disposisyon. (Ulat ni Butch M. Quejada)