Unang nakatanggap ng bomb threat ang mga opisyales ng lokal na Comelec dakong alas-7:47 kamakalawa ng gabi. Agad nila itong ipinaalam sa San Juan police na mabilis namang nagpadala ng mga tauhan ng Bomb Disposal Unit sa munisipyo.
Matapos ang ilang oras na paghahalughog, wala namang nakitang anumang bomba sa naturang lugar.
Muli namang nakatanggap ng isang tawag ang pulisya dakong alas-2 ng madaling araw at naulit pa dakong alas-3:45 ng madaling-araw galing sa isang hindi nagpakilalang lalaki na nagsabing may bomba umanong nakatanim sa San Juan Municipal gymnasium na doon ginaganap ang tabulasyon ng mga election returns.
Muli na namang sinuyod ang lugar at walang nakitang bomba.
Dahil dito, lalong naging mahigpit ang seguridad ngayon sa naturang canvassing area dahil sa mga banta.
Dakong alas- 12:30 ng tanghali kahapon, tinatayang 40 porsiyento pa lamang ng election returns ang nabibilang.
Bagamat wala pang maipakitang pinakahuling tally ang local Comelec, sinabi ng mga ito na patuloy na nangunguna si JV Ejercito laban kay Adolfo Sto. Domingo. (Ulat ni Danilo Garcia)