Ginang binoga ng shotgun ng kapit-bahay

Nasawi ang isang ginang matapos na ito ay aksidenteng mabaril ng kanyang kapitbahay habang pinagmamalaki nito sa una ang kanyang bagong home-made shotgun, kamakalawa ng gabi sa Malabon City.

Hindi na umabot pang buhay sa pagamutang bayan ng Malabon sanhi ng isang tama ng bala ng shotgun sa lalamunan ang biktimang si Emma Delfin, 36, at residente ng Semplet Compound, Barangay Tugatog ng nasabing lungsod.

Patuloy namang pinaghahanap ng pulisya ang suspect na si Longino Verancis, alyas Sarge, 40 at kapitbahay ng biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon na isinagawa ni PO2 Christopher Rodriguez, dakong alas-8:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng naturang lugar habang masayang nakikipagkuwentuhan ang biktima at suspect sa tapat ng tindahan ng una.

Base sa testigong si Jayson Meneses, 29, driver, bumili umano ng sigarilyo ang suspect sa tindahan ng biktima at nakipagkuwentuhan habang ipinagmamalaki sa huli ang bago nitong homemade shotgun.

Pinagmasdan ng biktima ang baril habang ikinakasa-kasa pa ng suspect. Hindi naman napansin ni Sarge na nakatutok pala ang dulo ng baril sa biktima at sa pagsilip niya sa target ay bigla nitong nakalabit ang gatilyo ng baril at pumutok.

Nagulat ang lahat nang makitang duguan at butas ang leeg ng biktima.

Mabilis namang tumakas ang suspect matapos na makitang nabaril niya ang biktima. (Gemma Amargo)

Show comments