Nasa malubhang kalagayan ngayon sa Phil. General Hospital ang biktima na nakilalang si Manuel Ramos, 37, ng Parang Marikina Heights, Marikina City at nakatalagang guwardiya sa Bliss Project Kaunlaran Village, Annex Road ng nabanggit na lungsod. Ito ay nagtamo ng ilang tama ng bala ng baril sa ibat-ibang bahagi ng katawan buhat sa suspect na si Espelito Pentado, construction worker sa nasabing housing project.
Ang suspect naman ay kasakuluyang nakapiit sa Pasay City Police Detention Cell.
Samantala, nakilala naman ang mag-inang hinostage na sina Irene Torres, 82 at anak na si Godilla Domingo.
Base sa imbestigasyon ng pulisya naganap ang insidente dakong alas-2 kahapon ng madaling araw sa nabanggit na lugar.
Binanggit sa ulat na madalas umanong apihin ng sikyu na si Ramos ang suspect na si Pentado at sinasabing lagi itong late pumasok sa trabaho.
Nagkaroon umano ng pagtatalo ang sikyu at suspect at dahil sa kinikimkim na galit ng huli ay inagaw nito ang service firearm ng una at saka ito pinaputukan ang sikyu.
Matapos mamaril mabilis na tumakas ang suspect at dahil sa kalituhan ay pumasok sa bahay ng mag-inang Torres at doon hinostage ang mag-ina.
Tumagal ng may 30 minuto ang ginawang negosasyon ng mga awtoridad sa suspect hanggang sa ito ay mapahinuhod at sumuko sa mga pulis. (Ulat ni Lordeth Bonilla)