Nahuli ang mga naturang kalalakihan na nakasuot ng Army fatigue uniform at armado ng matataas na kalibre ng baril, mga radio at cellphone, dakong alas- 3 ng madaling araw kahapon.
Sinabi ni Redemptor Abrigo, team leader at private first class ng Class 10 ng umano’y Magic Group ng Army CMO G-7 o kilala sa tawag na Guardian, na mismong si Msgt. Jess Vera na founder at commanding officer ng kanilang grupo ang nagbigay ng direktiba sa kanila sa pamamagitan ng isang mission order na ipinalabas noong Abril 26, upang magbantay kay Rep. Gonzales.
Papunta umano sa Barangay Corazon dela Cruz ang mga suspect. Sampu sa kanila ang nahuli sa loob ng isang dirty white colored FX at ang natitira ay nadakip sa Romogan Building sa No. 39 Cordillera St. sa Barangay Addition Hills sa Mandaluyong City. Nabatid na ang gusali ay pag-aari ng kapatid ni Gonzales.
Itinanggi naman ng mga ito na binabayaran sila ng sinuman at tanging meal allowance lamang ang kanilang natatanggap. Binanggit din ni Abrigo na may ipinangako namang komendasyon si Vera sa kanila para tuluyang makapasok sa pagiging sundalo at sa pulisya.
Ayon naman kay Insp. Albert Tapulao, ng San Juan police, ginagawang negosyo lamang umano ni Vera ang grupo dahil sa pagsingil ng P200 kada isa sa kanilang identification cards na may pekeng pirma ni Major Godofredo Lauza ng Phil. Army. (Mga ulat nina Joy Cantos at Danilo Garcia)