Tulong ni SB hingi ng mga na-demolish na residente sa Q.C.

Humingi ng saklolo kay House Speaker at Quezon City mayoralty candidate Feliciano "Sonny" Belmonte ang mga residenteng na-demolish ang mga kabahayan sa Matahimik St., Barangay Malaya sa nasabing lungsod.

Sinabi ni Chairman Fernando Asia ng Barangay Malaya, 100 mga kabahayan ang nilusob at giniba ng mga elemento ng NCR Police Office nang walang kaabug-abog noong nakaraang Sabado Abril 28, dakong alas-9 ng gabi.

Ayon kay Asia, ni wala man lamang pasabi at walang court order na ipinakita ang demolition team nang gibain ang kabahayan ng may 100 pamilya sa nabanggit na barangay.

Naghinala din ang Malayan Neighborhood Association na sumasakop sa mga residente ng nasabing barangay na posibleng may kinalaman sa insidente ang negosyanteng nakilalang isang Flores Manere, nakatira sa tabi ng mga na-demolish na bahay.

Nais umano ni Manere na bilhin ang lupang tinitirikan ng mga bahay ng mga biktima at nangakong bibigyan sila ng P10,000 bawat isa kapag umalis sa kani-kanilang mga barung-barong.

Ang mga na-demolish ay kasalukuyang nakatira at nagsisiksikan sa barangay hall ng Malaya sa Quezon City. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments