Erap ininsulto, 2 yosi boys pinagbabato sa EDSA Shrine

Bukol at sugat ang inabot ng dalawang cigarette vendor sa isang grupo ng mga demonstrador sa EDSA shrine matapos na paulanan sila ng mga bato at bote ng mineral water ng mapikon sa ginagawa nilang pangangantiyaw sa kanilang idolong si dating Pangulong Estrada, kahapon ng madaling araw sa Mandaluyong City.

Nakilala ang mga biktima na sina Arsenio Rodriguez, 18, at Patrick Villarosa, 15, kapwa residente ng Agudo st., Mandaluyong City.

Napag-alaman na pauwi na ang mga biktima galing sa magdamag na pagtitinda ng sigarilyo sa may Edsa shrine at dahil walang masakyan ay naglakad na lamang.

Nang makarating sa Boni Ave. kasama ang ilang grupo ng mga nagra-rali na papauwi na rin, dito umano nag-umpisang magsayaw-sayaw at mangantiyaw ang dalawang biktima at ininsulto umano si dating Pangulong Estrada.

Nayabangan at nagalit ang mga ralista at pinagbabato sila ng mga bato at bote ng mineral water.

Isang mobile patrol car ang sumaklolo sa dalawa at isinakay sila patungong presinto para mailayo sa galit ng mga die-hard Erap loyalists. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments