Kinilala ang mga nasakoteng sina Romeo Aguado, 31, alyas Hapon; Almario Bernardino, 32, alyas Toto, at Rommel Villas, 33, pawang residente ng Luzon Ave., Barangay Culiat. Sina Bernardino at Villas ay kapwa pedicab drivers.
Ayon sa mga imbestigador, si Aguado ang pumugot ng mga ulo ng mga biktimang si Kenny Azana, 16, Rolando Popanes, 18, at ang ikatlo na nakilala lamang sa tawag na Badjao.
Ang mga pugot na bangkay ng mga bikitma ay natagpuan sa isang bakanteng lote sa loob ng Cresta Verde subd., Sta. Monica, Novaliches, QC noong nakaraang Abril 16.
Bukod sa pagkakaaresto sa mga suspek, nakarekober din ang mga tauhan ng CPD-Intelligence Unit ng isang pulang Toyota Corolla na may plakang PWV-499, ang sasakyan na ginamit umano ng mga suspek sa pagdala sa tatlong biktima sa Barangay Sauyo sa Novaliches kung saan sila pinugutan.
Ayon sa pulisya, ang lugar ay ilang kilometro lamang ang layo mula sa kotse kung saan nakita ang mga bangkay.
Ang pagkakaaresto sa mga suspek ay bunsod na rin ng paglitaw ng piping si Gerry Franco.
Inamin ni Aguado na siya ang pumugot ng mga ulo ng mga binatilyo sa utos ng mga pulis na sina PO3 Mario Morales at PO2 Dennis Blasco, kapwa nakatalaga sa CPD-station 6 (Batasan).
Si Morales ay kasalukuyang nakakulong sa CPD detention cell, habang pinaghahanap pa si Blasco.
Samantala, itinanggi naman nina Bernardino at Villas ang kanilang partisipasyon sa karumal-dumal na krimen, sa pagsabing idinawit lamang sila ni Aguado dahil may galit umano ito sa kanila.
Ayon sa source, si Aguado ay nang-snatch ng kuwintas na nagkakahalaga ng P40,000 mula sa isang babae sa Tandang Sora area noong Huwebes, tatlong araw matapos matagpuan ang mga bangkay.
Ayon pa sa source, ang mga biktima at naarestong suspek ay mga "police assets" na kadalasang nagbibigay ng impormasyon sa mga imbestigador sa mga kasong hinahawakan nito.
Pero, may insidente kung saan ang mga infomers ay ginagamit na mga asset sa kanilang "criminal activities." (Ulat ni Cecille Suerte Felipe)