Bangag na pro-Erap nang-agaw ng baril sa Crame

Isang umano’y bangag sa droga na tagasuporta ni dating Pangulong Estrada ang nagtangkang mang-agaw ng baril ng isang tauhan ng PNP-Traffic Management Group, kahapon ng umaga sa harapan ng PNP headquarters sa Camp Crame.

"Palayain ninyo si Erap, palayain ninyo si Erap," ang isinisigaw ng di pa kilalang lalaki na nakasuot lamang ng pantalong maong at walang pang-itaas na damit, habang inaaresto ng mga awtoridad.

Sa report ng Camp Crame Base Police, dakong alas-9:30 ng umaga habang nagsasaayos ng trapiko si SPO4 Juan Ramos ng PNP-TMG sa Santolan road ng biglang sumulpot ang lalaki at tinangkang agawin ang kalibre .45 baril ni SPO4 Ramos.

Mabuti na lamang at mahigpit na nahawakan ng pulis ang kanyang baril na nakasukbit sa kanyang baywang pero naging mapilit pa rin ang suspek at pilit inaagaw ang kanyang armas hanggang sa magkagulo ang mga tao na nasa labas ng kampo na naging dahilan para rumesponde ang mga base police na nagtulung-tulong para madakip ang nagwawalang lalaki.

Nang dalhin sa tanggapan ng Base Police sa Camp Crame ang suspek ay hindi ito makausap ng matino at wala ni isa mang maipakitang identification card kaya hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay hindi pa rin ito nakikilala. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments