2 Tsinoy dinukot ng 5 'pulis' sa checkpoint

Dalawang negosyanteng Fil-Chinese ang dinukot ng limang armadong "pulis" sa isang checkpoint sa Tondo, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang kinidnap na sina Benedict Leong at Judith Chan, residente ng #7 Barretto st., Frexas Phase 4 BF Homes, Parañaque City at sinasabing may-ari ng isang recruitment agency.

Nabatid kay SPO1 Jacinto Amor, ng Western Police District-General Assignment Section, naganap ang pagdukot dakong alas-3:30 ng madaling araw sa kahabaan ng Juan Luna st., naturang lugar.

Sa salaysay ng driver ng mga biktima na si Hernan Cuna, 28, papauwi na sila galing sa Tuguegarao ng madaan sa isang checkpoint.

Pinahinto ang sinasakyang nilang Nissan Frontier at lumapit ang limang lalaki na nakauniporme ng pulis at armado ng matataas na kalibre ng baril.

Biglang tinutukan ng mga suspek at kinaladkad palabas ng kanilang Nissan ang dalawang biktima at isinakay sa sasakyan ng mga suspek na Mitsubishi Adventure na may plakang WHD-980.

Sinabi ni Cua na sinamantala niya ang pagkakataong isinasakay ang kanyang mga amo at siya’y tumakas at humingi ng tulong sa mga awtoridad.

Naniniwala ang WPD na hindi tunay na mga pulis ang mga suspek, samantala nahihirapan ang mga awtoridad sa paglutas sa kaso dahil hindi umano nakikipagtulungan ang pamilya ng mga biktima. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments