Kinilala ni SPO1 Cristito Veluz, ng Criminal Investigation Division (CID) ng Muntinlupa police sa pamamagitan ng ID na nakuha sa kanyang bulsa ang biktimang si Rofe Sulit, 34, may asawa, ng Staka, Dipolog City at pansamantalang nanunuluyan sa #306-B, Palali st., Mandaluyong at sinasabing anak umano ng incumbent mayor sa Dipolog City na hindi nabanggit ang pangalan.
Ayon kay SPO1 Veluz, alas-7 kamakalawa ng gabi habang naglalakad si Jose Cabrera, 35, nakatira sa gilid ng South Expressway ng matapakan niya ang nakahandusay na bangkay.
Nang matiyak na tao ang natapakan, agad nitong ipinaalam sa mga awtoridad.
Wala namang palatandaan na pinahirapan ang biktima at wala rin itong tama ng saksak o baril.
Nagtataka naman ang mga kaanak nito kung paano napunta ang biktima sa nabanggit na lugar, gayunman isang malalim na imbestigasyon ang isinasagawa sa naturang kaso. (Ulat ni Lordeth Bonilla)