Ayon kay Supt. Philmore Balmaceda, CPD spokesman, kasalukuyang isinasailalim sa interogasyon ang mga suspek hinggil sa partisipasyon nila sa krimen.
Ang tatlo ay positibong itinuro ng mga testigo na dumukot sa tatlong kabataan mula sa isang computer shop na nasa kanto ng Tandang Sora at Commonwealth avenues, QC noong Abril 10.
Gayunman, tumanggi ang pulisya na pangalanan ang mga suspek at kung paano sila naaresto, habang nagsasagawa pa ng imbestigasyon.
Ayon sa sources, ang mga saksi ay nagtungo sa National Bureau of Investigation at ibinulgar ang impormasyon tungkol sa mga suspek. Naaresto ang mga ito sa isang joint operation ng NBI agents at CPD policemen.
Nabatid na ipinapatay umano ang tatlo para makaganti sa isa sa mga biktima makaraang di makapag-remit ng drug money.
Tumanggi naman ang mga imbestigador na sabihin kung sino sa tatlong biktima ang nabigong mag-remit ng pera, bagaman sinabi nila na ang 16-anyos na si Kenny Azania ay posibleng napasama lamang sa mga "courier."
Kasabay nito, nakilala na ang isa pang bangkay nang kunin ito ng kanyang mga kaanak sa Prudential Funeral Parlor. Ang ikalawang biktima ay kinilalang si Rolando Pupanes Jr., 18, ng #21 Purok 5 Tabon Malaria, Caloocan City.
Nakilala si Pupanes dahil sa tattoo nito na "Jhun Booba" sa kanang bahagi ng kanyang dibdib.
Nakikipag-ugnayan na ang Criminal Investigation Division sa mga kaanak ni Pupanes para malaman kung kailan nila huling nakitang buhay ang biktima at kung sino ang mga taong maaaring dumukot at pumatay dito.
Tanging ang ikatlong biktima na lamang na isinalarawan sa edad 12-15 ang hindi pa rin nakikilala. Lahat ng ulo ng mga biktima ay hindi pa rin nakikita. (Ulat ni Cecille Suerte Felipe)