Sa 10-pahinang reklamong isinumite sa Comelec ni Atty. Amando Tetangco, kandidato bilang konsehal ng Unang Distrito ng Maynila, binanggit nito na noong mga petsa ng Marso 23, 24, 25, 27, 28 at 29 taong kasalukuyan ay tinipon umano ni Atienza sa City Hall ang mga barangay chairmen mula sa 897 barangay ng Maynila kasama ang mga councilmen at tanod at kumontrata ng catering sa "Ihaw-ihaw, Kalde-kaldero, Kawa-kawali at Aawitan Kayo Rest." para sa pagkain at inumin ng mga ito na nagkakahalaga ng P1,687,877.50.
Sinabi ni Tetangco na ang anim na araw na "fellowship" ay sinasabing paglabag umano ni Atienza dahil itinaon ito sa nalalapit na eleksiyon.
Ayon pa kay Tetangco, tinipon ni Atienza noong Pebrero 23 at 24 ang mga kabataang botante ng lungsod at umabot sa P190,700 ang ginastos bukod pa sa P55,000 para sa give-away items.
Mula Marso 27-29, isa pang pagtitipon ang ginawa naman sa Subic Bay, Olongapo City kung saan isinama ang mga youth leaders ng NGOs at Sangguniang Kabataan chairmen at gumastos ng P163,000.
Noong Marso 10 at 11, pinulong ang mga local elective officials para umano sa isang leadership training seminar sa Tagaytay City at gumastos ang lungsod ng P125,115.
Sa isa pang reklamo, nagdaos ng political rally ni Atienza sa Plaza Miranda noong Abril 10 at para dumami ang mga tao sa nasabing lugar ay nagbaba umano ito ng memorandum na kailangang dumalo ang mga City Hall employees sa nasabing pagtitipon na inireklamo naman ng mga empleyado ng City Hall. (Ulat nina Andi Garcia/Jhay Mejias)