Pagawaan ng ballot boxes nasunog

Aabot sa P5 milyong piso ng mga ari-arian ang natupok ng apoy matapos masunog ang isang pagawaan ng ballot boxes sa Muntinlupa City na gagamitin sa darating na halalan, kahapon ng umaga.

Dakong alas-7:30 ng umaga ng sumiklab ang apoy sa storage ng Trojan Marketing Corp. na nasa Bgy. Tunasan, nasabing lungsod kung saan dito ginagawa ang karagdagang 13,000 ballot boxes na gagamitin sa nasyunal at lokal na halalan sa Mayo 14.

Gayunman, nilinaw ni Comelec Chairman Alfredo Benipayo na hindi apektado ang preparasyon ng Comelec sa pagkasunog na ito matapos siguruhin ng may-ari ng nasabing pagawaan na si Chato Cruz na hindi mabibitin ang operasyon nito.

Kinumpirma ni Cruz na hindi nadamay ang 9,000 ballot boxes na inorder sa nasabing korporasyon at pawang nasunog lamang sa storage ay mga woodscraps aluminum, canvass at iba pang materyales.

Matatandaan na kumuha ng tatlong manufacturers ang Comelec para gumawa ng 80,000 ballot boxes upang mapunan ang kakulangan sa 234,259 presinto sa bansa. (Ulat nina Jhay Mejias/Lordeth Bonilla)

Show comments