Trader tinodas ng tauhang driver dahil sa pasahod

Dahil sa hindi pagpapasahod, pinagsasaksak at napatay ng isang driver ang kanyang babaeng amo, kamakalawa ng gabi sa Bagong Silang, Caloocan City.

Kinilala ni Supt. Bonifacio Noval, hepe ng Caloocan City Police Station 1 ang biktima na hindi na umabot pang buhay sa Dr. Bayan Clinic sanhi ng mga tinamong saksak sa dibdib at beywang na si Leonila Ignacio, 29, hog dealer at residente ng Phase 10, Package 5, Block 51, Lot 1, Bagong Silang ng nasabing lungsod.

Samantala, mabilis namang tumakas ang suspect na si Ruben Garcia, 43, matapos ang isinagawang krimen.

Base sa pagsisiyasat ni PO1 Vladimir Binayug, dakong alas- 7 ng gabi nang maganap ang nasabing pamamaslang sa harap ng bahay ng biktima.

Bago naganap ang pamamaslang ay nagtungo umano ang suspek sa bahay ng biktima para kunin ang kanyang suweldo para sa isang linggong pagmamaneho.

Subalit tumanggi ang biktima kaya’t nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng dalawa hanggang sa bunutin ng huli ang kanyang patalim na nakasukbit sa beywang at undayan ng sunud-sunod na saksak sa dibdib at beywang ang kanyang amo.

Patuloy naman ang isinasagawang operasyon para sa ikadarakip sa suspek. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments