Taxi ayaw ipagamit sa shabu delivery, driver tinodas

Matapos tumangging ipagamit ang kanyang taxi para ipang-hatid ng malaking bulto ng shabu sa ilang bahagi ng Metro Manila, isang taxi driver/operator ang pinagbabaril at napatay ng isang di kilalang armadong lalaki na hinihinalang miyembro ng drug syndicate, kamakalawa ng umaga sa Quiapo, Maynila.

Kinilala ang biktimang si Abdul Gani Basir, 48, may asawa, tubong Maranaw City at residente ng 645-C Carlos Palanca st., Quiapo. Dead-on-the-spot ito sanhi ng dalawang tama ng bala ng kalibre .45 baril sa ulo at bibig.

Namataan naman ang suspek na palakad na tumakas na tila walang nangyari at sumakay sa isang pampasaherong jeep sa tapat ng Echague Inn, naturang lugar.

Sa pagsisiyasat ni detective Athos Dequiros, ng Western Police District-Homicide section, naganap ang pamamaril dakong alas-10:15 ng umaga sa kahabaan ng kanto ng Muelle dela Quinta at Carlos Palanca sts. sa tapat ng Echague Inn.

Ayon sa ilang saksi na pawang Maranaw at taga-Muslim Islamic Center, nakita nilang nagtatalo ang biktima at ang suspek na may dalang malaking itim na bag.

Sa salitang Maranaw, narinig ng mga testigo na inaarkila ng di kilalang lalaki ang pag-aaring taxi ni Basir pero ayaw pumayag ng biktima sa dahilang ayaw nitong masabit sa illegal na paghahatid ng droga.

Matapos ang ilang minutong pakiusapan at pagtatalo, nakitang umatras ng kaunti ang suspek at bumunot ng baril at harap-harapang pinaputukan ang biktima.

Ayon naman sa mga awtoridad, nahihirapan silang mag-imbestiga sa pagkamatay ni Basir dahil ayaw umanong makipag-ugnayan ng pamilya nito at ayaw ding ibigay ang bangkay ng biktima para ipa-awtopsiya.

Hinihinala namang natatakot ang ilang residente roon na ibunyag ang pangalan ng salarin kahit alam nila ang pagkakakilanlan nito bunga ng pangambang isunod silang likidahin ng suspek.

Gayunman, sinabi pa ng mga testigo na isang kilalang courier sa kanilang lugar ang suspek at miyembro ng malaking sindikato ng droga sa loob ng naturang Islamic Center. (Ulat ni Grace Amargo)

Show comments