Sina Elisa Jose, alyas Ana Marie Tan, 26, ng Moderna st., Balut, Tondo, Manila at ang kanyang kasintahan na si Joseph Morales, 28, ng #1 Burgundy st., Katipunan, Quezon City ay kapwa sinampahan ng pulisya ng kasong paglabag sa Republic Act 8484 o Anti-Access Device Law.
Sa ulat ni SPO1 Joseph Amoyo ng Eastern Police District-Criminal Investigation Group (EPD-CIG), nag-apply ng dalawang credit card (master card at visa) si Jose gamit ang kanyang alyas na pangalan sa kanyang mga dokumentong isinumite sa Bankard Inc. sa may Robinsons PCI Tower, Ortigas Center, Pasig City.
Naaprubahan naman agad ang kanyang Visa card at agad niya itong nakuha noong nakaraang Biyernes. Dahil sa agad niyang naubos ang maximum na laman nito na P40,000, nagduda ang mga opisyal ng Bankard at bineripika ang mga papeles na kanyang isinumite na nadiskubre nilang pawang mga peke.
Nabatid din na bukod sa pekeng certificate of employment, gumamit din si Jose ng isang pekeng Press ID ng broadsheet na Malaya kung saan isa umano siyang news contributor. Itinanggi naman ito ng pamunuan ng pahayagan.
Nadakip naman si Morales na siyang kasama ni Jose nang tinangkang muling kunin naman ng huli ang kanyang ikalawang credit card na Mastercard dakong alas-4 ng hapon sa isang entrapment operation. (Ulat ni Danilo Garcia)