Lalaki nakaligtas sa bundol ng truck, napatay naman sa tusok ng driver

Isang lalaki na sinuwerte na sana matapos makaligtas sa pagkabundol ng truck ang minalas naman na mapatay ng komprontahin ito ng driver ng nasabing sasakyan saka saksakin, kahapon ng umaga sa Project 6, Quezon City.

Namatay habang ginagamot sa Veterans Memorial Medical Center ang biktimang si Ronald Raquel, 40, may asawa at nakatira sa #65 Road 1 Proj. 6. Agad namang naaresto ang suspek na si Eric Aldos, 40.

Sa ulat ng pulisya, bandang alas-10 ng umaga habang nakatayo sa harap ng kanyang bahay ang biktima at kausap ang kanyang mga kapitbahay na sina Victor Navarro at isang Carding ng muntik na itong mahagip ng dumaang Isuzu Elf truck na may plakang WER-504 na minamaneho ng suspek.

Galit na galit na kinompronta ng biktima ang driver ng truck dahil sa muntik na siyang madale nito. Sa sobra namang pagkainis ni Aldos ng sitahin siya ay agad itong bumaba ng kanyang truck na armado ng patalim at pinagsasaksak ang biktima. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments