4 pulis wanted sa pagnanakaw

Apat na tauhan ng Pasig police ang sinampahan ng magkakahiwalay at mabibigat na kaso ng isang hinihinalang drug pusher dahil sa umano’y ilegal na pag-aresto at pagnanakaw umano ng P200,000 pera’t kagamitan.

Hindi na nagre-report sa kanilang mga opisina ang mga pinaghahanap na sina P/Insp. Henry Azuela at mga tauhang sina SPO2 Ramon Dumon, PO1 Bedo Montefalcon at PO1 Janet Sabo, pawang nakatalaga sa Drug Enforcement Unit (DEU) ng Pasig police.

Kasong violation of Domicile Law, illegal search, illegal arrest, robbery at robbery w/ extortion ang isinampa sa apat ng umano’y biktima nilang si Nestonio Santos alyas Etong Kaliskis, 47, ng 13-B Mamerto District, Bgy. Rosario, Pasig City.

Sa ulat ni PO3 Efren Calix, ng Criminal Investigation branch, wala umanong search warrant ng salakayin ng naturang mga pulis ang bahay ni Santos noong Abril 4, dakong alas-10:30 ng umaga at halughugin ang kabahayan kung saan nakatangay ang mga ito ng isang maliit na plastic bag ng SM na naglalaman ng P180,000 cash, isang belt bag na may P7,200 cash at isang piggy bank na may P9,000 cash.

Hindi rin umano pinatawad ng mga pulis ang isang set ng kitchen knifeware, isang pares ng sapatos, at dalawang relo.

Nakasaad rin na inaresto ng mga pulis si Santos matapos na matagpuan umano ang isang kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana sa loob ng kanyang bahay.

Pero sa halip na dalhin ito sa istasyon ng pulisya, dinala umano si Santos sa bahay ni Azuela sa may Napico, Bgy. Manggahan, Pasig City kung saan dito umano pinagparte-partihan ng mga pulis ang perang nakuha sa kanya.

Matapos ito ay saka pa lamang umano siya dinala sa opisina ng DEU. Isang kasunduan umano ang naganap kung saan tumanggap ng P15,000 ang apat na pulis sa isang kaanak ni Santos kaya ito pinalaya ng walang kasong naisasampa.

Matapos ang dalawang araw ay saka naman nagharap ng reklamo sa pulisya si Santos. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments