Nakasamsam ng 17 kalibre .38 baril na may tatak na Armscor makaraang salakayin ang bahay ng suspek na nakilalang si Inocencio Montes, kumakandidatong konsehal sa Danao, Cebu City at nakatira sa #1578 P. Santos st., Bangkal, Makati.
Isa namang caretaker ni Montes na si Manuel Briones, 25, ang inaresto ng NBI agents ng maaktuhan ito habang may sukbit na baril sa baywang at nasa bahay ni Montes sa Makati City.
Nabigo naman ang NBI na madakip si Montes na nagkataong wala sa naturang lugar ng isagawa ang pagsalakay. Nasa kanyang probinsiya ang nasabing kandidatong suspek at abala sa pangangampanya.
Nang isailalim sa pagsisiyasat, inamin umano ni Briones na ang nakumpiskang mga baril ay pag-aari ni Montes at ibinebenta umano nito sa mga kandidatong nagnanais na bigyan ng armas ang kanilang mga aides o bodyguards na kasama nila sa kanilang pangangampanya.
Hindi naman tinukoy ni NBI Director Reynaldo Wycoco kung sinu-sino ang mga pulitikong nakabili na ng baril kay Montes. (Ulat ni Ellen Fernando)