Ina pinatay ng anak dahil sa TV

Dahil lamang sa pagtanggi na ibenta ang kanilang TV set, pinatay ng isang umano’y adik na anak ang sarili niyang ina, kung saan ang bangkay ay isinilid sa isang plastic drum at itinapon sa isang residential area sa Balintawak, Quezon City.

Nahaharap sa kasong parricide ang suspek na si Armando Rasol ng F-135 Selda Sampaguita, Purok 1, Bgy. San Roque, na kasalukuyang nakakulong sa Central Police District headquarters.

Ang naagnas na bangkay ng biktimang si Erlinda Culsai,60, biyuda, ay natagpuan sa loob ng isang plastic drum sa kahabaan ng Oliveros Drive, Barangay Apolonio Samson.

Si Rasol na nasa impluwensiya pa ng droga ng maaresto malapit sa kanilang bahay sa Barangay San Roque ay umamin na pinatay niya ang ina dahil ayaw umano ng biktima na ibenta nila ang kanilang TV.

Ayon kay SPO1 Efren Sobrepena, ang insidente ay naganap noong Marso 29 dakong alas-12 ng hatinggabi sa loob ng kanilang bahay. Nabatid na iminungkahi ng suspek sa ina na ibenta nila ang kanilang TV dahil may "gamit" siyang kailangang bilhin, pero tumanggi ang biktima at nagtalo ang dalawa.

Agad sinakal ng suspek ang ina at pinagpapalo sa ulo ng kahoy. Nang hindi na umano humihinga ay isinilid nito ang bangkay sa plastic drum at nilagyan ng mga unan, damit at kumot bago ito isinakay sa pedicab at dinala papalayo sa kanilang bahay patungo sa EDSA.

Matapos ito, sumakay ng FX taxi ang biktima dala pa rin ang plastic drum at nagtungo sa Oliveros Drive sa Balintawak kung saan niya iniwan ang biktima sa isa mga bahay dito at saka tumakas.

Nabatid ng mga awtoridad ang krimen dalawang araw ang nakalipas nang matagpuan ang nabubulok na bangkay ng biktima sa loob ng drum.

Nagtamo ang matanda ng malaking sugat sa ulo na halos lumuwa na ang utak. Wasak din ang mukha nito na halos di na makilala at ang kanyang kanang tenga ay nawawala.

Sa panayam sa suspek, sinisi pa nito ang ina at sinabing kasalanan ng biktima dahil kung pumayag umano ito na ibenta nila ang kanilang TV set ay hindi mangyayari ang lahat. (Ulat ni Matthew Estabillo)

Show comments