Namatay noon din bunga ng matinding panggugulpi at paghampas ng matitigas na bagay sa katawan ang biktimang si Arnold Bacu, 25, ng Area A Parola compound, Tondo.
Gayunman, nadakip ang isa sa hinihinalang holdaper na si Robello Fortaleza, 22, ng Purok 3 Isla Puting Bato, Tondo na ngayon ay inoobserbahan sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center bunga rin ng pambubugbog matapos kuyugin ng nagrespondeng kalalakihan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-12:30 ng madaling araw ng parahin at sumakay si Fortaleza kasama pa ang dalawang di kilalang lalaki sa taxi na minamaneho ng isang Nelson Caspe at magpahatid sa Pier 2 North Harbor.
Pagsapit sa Parola compound ay agad tinutukan ng patalim si Caspe sabay nagdeklara ng holdap ang mga suspek, pero buong tapang na tumalon mula sa taxi ang nasabing driver at humingi ng tulong sa mga tao na agad namang nagresponde.
Nagsitakas ang mga suspek at dumaan sa isang eskinita kung saan nandoon ang biktima kaya nang habulin ng taumbayan ang mga ito ay napagkamalan si Bacu na isa sa mga holdaper at siya ang balingang gulpihin hanggang sa malagutan ito ng hininga.
Nasundan din ng taumbayan si Fortaleza kaya duguan at di na makagulapay nang tigilan sa panggugulpi.
Huli na ng mabatid ng taumbayan na di kasama si Bacu sa kanilang hinahabol na mga holdaper ng dumating ang driver ng taxi at sabihing hindi ito kasama sa nagtangkang mangholdap sa kanya. (Ulat ni Ellen Fernando)