Ayon sa pulisya, isang pulis major na nakatalaga sa Southern Police District (SPD), na pansamantalang hindi binanggit ang pangalan at isang Eddie San Miguel, dating pulis-Las Piñas ang mahigpit na sinusubaybayan makaraang matukoy ng awtoridad na kabilang sa hinihinalang responsable sa pananambang at pagpatay kay Albert "Abet" Aguilar, pangulo ng asosasyon ng mga barangay chairman.
Ang nasabing police major at si San Miguel ay kapwa umano nagtatago sa lalawigan ng Cavite at kalapit na lungsod.
Tinitingnan pa rin ng pulisya ang anggulong paghihiganti ang motibo sa krimen dahil sa may mga nakuhang impormasyon na naanakan umano ni Aguilar ang anak na babae ng suspek na si San Miguel.
Matatandaan na noong Marso 15, dakong alas-12 ng tanghali ay pinagbabaril hanggang sa mapatay ang biktimang si Aguilar sa kahabaan ng CAA Compound, ng nabanggit na lungsod. (Ulat ni Lordeth Bonilla)