Nadiskubre ang naturang mga kahon ng mga security guard sa labas ng PCI Bank dakong alas-4 ng hapon at agad nila itong iniulat sa Security Office.
Tatlong oras din naghintay ng may-aring dadampot dito. Habang naghihintay, pinagbawalan nila ang mga mamimili na lumapit sa naturang mga kahon dahil sa pangambang anumang oras ay sasabog ang mga ito kung tunay ngang mga bomba.
Dakong alas-7 ng gabi nang magpasya ang mga security guard na iulat ang pagkakatagpo ng mga kahon sa pulisya kaya agad na ipinadala ang mga miyembro ng San Juan bomb disposal unit.
Nang dahan-dahang buksan ang naturang mga kahon, dito lamang nakahinga ng maluwag ang mga pulis at security guards nang mabatid na ang mga laman lamang nito ay pawang mga libro at magazine.
Isang lalaki naman ang tumawag sa istasyon ng pulisya na umaangkin ng pagmamay-ari ng kahon. Iniwan umano niya ang mga kahon matapos na maiwanan siya ng kanyang driver. Pinapag-ulat naman siya ng pulis sa istasyon upang maberipika ang kanyang pag-aangkin.
Ang pinakahuling insidente ng bomb scare sa naturang shopping center ay noong Disyembre ng nakaraang taon sa kainitan ng sunud-sunod na pambobomba at bomb scare sa Metro Manila. (Ulat ni Danilo Garcia)