Ito ang napag-alaman ng pulisya matapos na ipaalam ng may-ari ng naturang sasakyan na si Jonathan Honrales, 30, ng 1728 P. Guevarra st., Sta. Cruz, makaraang dumulog ito sa tanggapan ni Insp. Ador Arevalo, hepe ng Western Police District-Anti-Carnapping Section.
Sa pahayag ni Honrales kay SPO4 Castor Olguerra, may hawak ng kaso, dakong alas-6 ng umaga kamakalawa nang tutukan ng may apat na di-kilalang armado ng armalite ang family driver ni Honrales na si Valentino Tan, 26, habang nakaparada ang van na may plakang WDD-903 sa harap ng bahay ng naturang negosyante na may P.5 milyon sa loob ng compartment.
Bago tuluyang tumakas ang mga suspek sakay sa kanilang get-away car na Honda Civic na kulay gray na may malabong plaka na W-618, kinuha rin ng mga ito ang kanyang cellphone at pitaka na may P5,000.
Dakong alas-11 ng tanghali kamakalawa rin ay naganap ang isang panghoholdap sa isang sangay ng MetroBank sa Carmona, Cavite at nakatangay ang mga bank robbers ng halagang P129,630 makaraan ang madugong palitan ng putok ng baril sa security guard ng banko na nakilalang si Vicente Saret, Jr. na nasugatan at kasalukuyang nakaratay sa Mother of Perpetual Help sa Las Piñas City.
Sa ginawang follow-up operation ng pulisya, natagpuan ang inabandonang van sa Bangkal, Carmona, Cavite at nabatid na pinalitan na ng ibang plate number.
Nabawi rin ng lokal na pulisya ang salapi sa loob ng isang bag na naglalaman ng halagang P37,596 at isang magazine ng armalite rifle sa loob ng van pero wala na sa compartment ang aabot sa kalahating milyong piso na pambili ni Honrales ng isang truck na gagamitin sa kanyang negosyo.
Malaki ang paniniwala ni Sr. Insp. Arevalo na ang mga suspek ang siya ring nanloob at nangholdap sa Ablaza Pawnshop noong Sabado ng tanghali sa Sampaloc dahil sa may pagkakahawig ang get-away vehicle na ginamit ng mga ito sa kanilang operasyon. (Ulat ni Ellen Fernando)