Ipinag-utos ni Supt. Jose Gentiles, hepe ng Mandaluyong police ang imbestigasyon kay SPO1 Emmanuel Molina, nakatalaga sa Follow-Up Unit, matapos makatakas ang suspek na si Perlita Grace del Mundo Titiano, ng #25 Magsaysay st., Sta. Cruz, Novaliches, Quezon City.
Nabatid sa ulat ng pulisya na naaresto si Titiano nang tangayin umano nito ang tig-P100,000 hanggang P150,000 sa kanila para sa pagsasaayos ng kanilang US travel visa.
Hindi naman nakaulat sa opisyal na blotter ang naturang kaso at nahagilap lamang sa opisyal na spot report. Ikinatwiran ng mga pulis na nakaligtaan lamang umano nila na ilagay ito dahil sa pagiging busy kamakalawa.
Ayon sa mga biktima, nagbayad umano sila sa suspek noong Disyembre 14 sa bahay ng isang Joan Formelosa sa #17 Harapin Ang Bukas st., Mandaluyong. Nangako ito na tatapusin ang kanilang mga papeles sa loob ng dalawang linggo pero hindi ito nagpakita.
Idinagdag ni Gentiles na nakiusap umano ang mga biktima na huwag nang ilabas sa pahayagan ang pagtakas dahil sa tumawag na umano sa kanila ang suspek at handa nang magbayad.
Matapos maaresto, ikinulong ang suspek sa detention cell ngunit dakong alas-10 ng gabi, isang tawag mula sa isang lalaki ang natanggap ni Molina para kay Titiano. Ipinasyang ilabas muna nito ang suspek sa kanyang kulungan para sagutin ang telepono.
Hindi naman maipaliwanag ni Molina ang biglaang pagkawala ni Titiano sa loob ng opisina ng Follow-Up Division.
Nangako naman si Gentiles na walang whitewash na magaganap sa imbestigasyon kay Molina habang patuloy pa rin ang kanilang operasyon para madakip si Titiano. (Ulat ni Danilo Garcia)